Masarap din palang pagtawanan ang sarili mo paminsan-minsan, yan ang narealize ko today. Kaya pala “Laugh at yourself” ang laging payo ng mga self-help at inspirational books (mga librong sa tagal ng panahon ay maputi pa rin ang mga pahina dahil hindi man lang sila nabasa), kasi true enough, it works.
Ganito kasi yon.
Pauwi ako sa bahay namin tanghaling tapat kanina, an hour bus ride from Pasig. Sa Alabang ang baba ko, sa may intersection at stoplight pagkatapos ng tollgate bandang Filinvest at Wilcon. Kabababa ko lang ng bus nang tawagin ako ng mamang kunduktor, sabi, “Uy, miss!” Napalingon ako at tumambad lang naman sakin ang kalahati ng two weeks’ worth kong labada: mga salawal na nagbebacon na ang garter at slightly nareglahan, laspag na mga bra, amoy kili-kiling damit—sabog-sabog lahat sa hagdanan ng bus, pati sa aspalto ng daan na tila jowa ko si mamang driver at pinalayas niya ko. Pinulot ni kuyang kunduktor ang ilan sa mga salawal at inabot sakin na parang either nandidiri siya or nahihiya (sa kaso nung una hindi ko siya masisisi), sabay pilit ko silang isiniksik sa umaapaw kong backpack na obviously ay bumigay na ang zipper. Pero hindi pa don nagtapos ang kahihiyan. Bumuka ulit ang pukinanginang bag sabay hulog naman ng sanitary napkin ko (yung isang pack ha, hindi yung nasa panty ko na) kasama ang DVD na “Europe and the United States Erotic Film Collection 18 in 1” na siyempre given na na provocative ang cover. Talk about dirty laundry and “dirty laundry,” shet!
Pag-green ng light ay niyakap ko lahat ng gamit ko palakad sa may sidewalk, dun sa may lupa at landscape kung saan ako lang ang tao pero litaw na litaw ako. Kalat lahat ng gamit ko na para bang spontaneously ay nagdecide akong magpa-ukay-ukay. Tatawagan ko sana ang friend kong si Jeng para lang ipagpag yung eksena, kaya lang bukod sa hindi kami magkakarinigan sa ragasa ng mga sasakyang malamang ay pinapanood ako, wala rin pala akong load. Naisip ko tuloy, kung nasa isang short film ako, pwedeng a) nagising nako sa isang bangungot; or b) nag-bow ako sa madla habang pinapalakpakan nila ako for my grace under pressure. Pero dahil true to life ito at hindi ko naman pwede lang iwan ang gamit ko or magpasagasa na lang sa bus, ginive ko ang best ko sa pagyuko at pagsiksik ng sandamakmak na labada sa sira-sirang bag, habang for the very first time ay nagpapasalamat akong pangtatlong tao ang tuyot, magulo, at mahaba kong buhok (with matching bangs na nakapormang M ng McDo) para hindi ako masyadong maaninag ng mga tao.
Tumawid ako sa kalsada at naglakad nang may kalayuan pa sa direction ng Festival Mall kung nasaan ang sakayan, akap akap ang excess baggage kong literal. Sinalubong ako ni mamang pulis, baka daw makatulong siya dahil (sabay turo sa tagiliran ng bag ko nang hindi makapagsalita)… litaw na litaw na pala ang kahabaan ng aking bra. By this time, sa sobrang nasagad ko na ang mga mura at once again ay nasabi kong “Lord, kung balak nyo na ho akong kunin ngayon, kunin nyo na ho ako,” bigla na lang akong natawa. Parang katawan ko na rin mismo ang nagdiktang tawanan ko na lang siya, kasi nga naman, kahit gano pa kalutong ang imura ko, hindi naman niya mababalik sa dati ang sirang zipper. More importantly, hindi maiibsan ng pagpapanic at pagkayamot ang fact na a) nakita ng madla ang laman ng bag ko; b) nahawakan ni kuya ang mga bra’t panty ko; at c) nalaman ni kuya kung anong gagawin ko pag-uwi—manood ng erotica.
Ika nga ng mga chatters, LOLZ.
(written February 7, 2009)
No comments:
Post a Comment